Friday, August 28, 2009

TUBIG AT LANGIS

Para saan pa ang mga letrang
ilalatag sa bakanteng sulatan?
Kung di ito ang nais mong mabatid.
Hinugot mula sa kaibuturan
nitong puso-
utak ang nagsulsi.



Bihisan man ng magarbo itong salita
o diligan ng diyamante
ng paningin mo'y madakip.
Sana madamay na rin pati iyong puso.


Sana...


maaaring maghalo ang
tubig at langis.

Friday, August 21, 2009

KUNDIMAN

Kasasamyo palang ng hibla ng iyong buhok
sa isang iglap nahablot agad
ng hanging lapastangang hinawi.

Kaaaninag lang ng iyong mata'y
bigla itong liwanag nagdamot
ng kanyang kapangyarihan.

Sana kung sa isip ko'y nakitira
nawa'y pahintulutang di manamlay.

Sana kung sa puso man ay mahimlay
mamutawi nawa ang kahapon.

Sunday, August 16, 2009

PAMAMAALAM

Kailan masasamid sa bukas
yaong ngiti sa rurok pagdadalamhati?
Sa kinalimutang himig
ng tawang animo'y musikang kundiman.
Bakas ng kahapong kalungkuta'y
tila di mawawalay.
Sa nabaon nang pag-asang
gigising sa katauhan.
At sa tuluyang pamamaalam.
Kailan nga ba masasamid sa bukas
yaong ngiti sa rurok
ng pag-iisa?