alam kong masasaktan ka pag ako'y mamaalam.
hindi dahil sa hindi na kita mahal.
hindi yun. at alam kong alam mong hindi
maaari yun.ilang beses ko nang
nasilayan ang pagtulo ng iyong luha.
ilang beses na din tayong nagtalo.
iyon ay dahil hindi perpekto ang pag-ibig.
alam mo namang minahal ko na din ang lakas
ng iyong sampal at iyong pagmumura sakin.
at di din naman matatawaran ang tamis ng
iyong halik at ang paulit-ulit mong pagsasabi
na mahal mo ako.
at ngayong ako'y mamamaalam, hindi mo alam
kung gaano kasakit.
ihalintulad mo nalang ang bituing sumabog,
nalusaw at nawalan ng kapangyarihang kumindat
sa gabing malungkot. tulad ng bagong gising
na araw, niyakap at nalunod sa hamog ng umaga.
at sa aking paglisan ang bawat makikita'y tila
nagtatago sa likod ng manipis na ulap.
at sa bawat tunog na madidinig ay nakabibinging
katahimikan. dahil wala nang masilayang ikaw,
at sa pagkawala ng iyong tinig ay siyang pagtigil
ng musika sa aking paligid. walang init ang bawat
araw na daraan sa kaluluwang manhid, naninigas
sa lamig ng pag-iisa.
sa parteng ito, gusto ko sanang hawakan mo ang
aking kamay at ipamalas ang ganda ng iyong ngiti.
ipadama sa akin ang init ang iyong palad at iyong
kasiyahan. hanggang sa wala na akong maramdaman,
hanggang di ko na maabutan ang pagtulo ng iyong
luha.
dahil ang pinakamahirap sa tagpong ito...
sa aking pagpanaw...
ay ang iwan ka...
Handcrafted Dreams
4 years ago