Thursday, November 12, 2009

3:01 HAPON, NAKADAPA

Nakadapa
habang
pinagmamasdan
ang kable
sa sahig.
Pati
mga langgam
na walang
pagod
sa paglalakbay.
Kable
Sahig
Langgam

Salita,
saan ka
nakaimbak?
Kanino?

BILOG NA SILID

Pumasok ako sa bilog na silid
at ang hirap pagpantayin ang
mga paa, tila nasa loob ka ng
isang bola. Nawalan
ng kapangyarihan ang mundo
na ang lahat ng bagay ay mahuhulog
kapag hinagis pataas. Matagal din
akong nagpaikot-ikot, alas 3:01
ng hapon nang ako'y nagpasyang
lumabas. At nagtatakang
hinagkan ang kuwadradong mundo.
Nalilito
Nabibingi
Natutulala


At hinawakan ko ang iyong
kamay na kasing lamig ng yelo.
Pareho tayong nakamasid sa
kalawakan na walang bituin,
at dahan-dahan tayong papasok
sa bilog na silid.

Saturday, November 7, 2009

TAKIPSILIM

Nagkulay apoy na ang kalawakan
at susuko na ang pinakahuling
sinag ng araw. Tahimik ang paligid
na tila sementeryo ng mga buhay.
Ang mga nilalang ay tila sabik
na salubungin ang napipintong
kadiliman. At ako, nandito
nakahimlay. Nagpapasalamat sa
isang araw na humalik sa aking
kamatayan.

NAPAKAGANDANG DILAG

Tahan na binibini
magandang dilag.
Hindi mahuhugasan ng
iyong pagtangis ang
duming kaniyang iniwan.
Hindi nararapat na sa
kanya'y tutulo yaong
luhang diyamante.
Sayang ang kinang
ng mapupungay mong
mga mata.
Sayang ang kislap
ng iyong mga ngipin
sa tuwing ngingiti.
Kaya tahan na binibini,
napakagandang dilag.

SA HARDIN

Sa isang hardin, nakikiisa siya
sa magaganda at mababangong
bulaklak. Nakatalikod,
hawak ng kaliwang kamay ang
matamlay na rosas.
Nakikisayaw ang buhok niyang
tila talon ng tintang itim
sa hangin.

Ang tikas ng kaniyang likod
na nakapatong sa mga hitang
nakahimlay sa damuhan.
Ang mahahaba niyang mga binti
na kay sarap lamasin.
Kung maaari lang sana
siya'y hawakan.

Dadamhin ko ang kaniyang
makikinis na mga binti
sa pamamagitan ng aking palad.
Aamuyin ko ang kaniyang buhok.
Yayakapin ko na rin
ang kaniyang likod.

Kaming dalawa lang.
Kasama ang dinampot ng aking
isipan.
Pero...
Wala pa akong maisip
kung paano ko ihahambing ang
kaniyang ilong, dibdib, labi, mata.
Dahil siya'y nakakulong sa aking
imahinasyon.
Ayoko siyang humarap.
Ayoko siyang makilala.

Baka bumalik lang ako
sa nakaraan.

ANG ATING MUNDO

Patuloy na naglalakbay ang gunita
sa sulok ng imahinasyong walang nakapinta
kundi isang malawak na palaisipan.
Papasukin at bubuuin ang nabasag na sagot
upang hindi iyon mabilanggo sa aking
kamalayang tulala sa nakaraan.


Ang lahat ng nakikita ay isang panaginip lang
at ang katotohanan ay nakahimlay sa
pagpikit, pagtakas sa reyalidad.
Walang kahulugan ang lahat,
walang kaugnayan,
walang parusa.


Walang mangyayari sa paghalik ng tuhod
sa lupang tigang. Sa pagbulong sa
rebultong nakangiti sayong pagtangis.
Imulat ang matang binulag ng kinagisnang
kahapon. Kung pagmamasdan ang bawat
piraso ng ulap, ikaw ang lumikha
ng kalawakan. At bago ka maging abo,
isumpa mo ang mundo, isumpa mo kaibigan.

KASAYSAYAN

Sa hubad na imaheng
pininta gamit ang lihim
na panungkit mabubunyag


ang tinagong letra;inuod
at bumaho. Yayakapin ng
hangin at tutulungang


ialsa. Sabay na lilipad
at tanging ilong lang ng
sinumpa ang makakaamoy.


Mahuhulog ang mga matang
binulag ng isang libong
pilak. At ikukulong sa


nakaraan ang kaluluwang
umindayog sa kalansing
ng sentimo.