Saturday, November 7, 2009

ANG ATING MUNDO

Patuloy na naglalakbay ang gunita
sa sulok ng imahinasyong walang nakapinta
kundi isang malawak na palaisipan.
Papasukin at bubuuin ang nabasag na sagot
upang hindi iyon mabilanggo sa aking
kamalayang tulala sa nakaraan.


Ang lahat ng nakikita ay isang panaginip lang
at ang katotohanan ay nakahimlay sa
pagpikit, pagtakas sa reyalidad.
Walang kahulugan ang lahat,
walang kaugnayan,
walang parusa.


Walang mangyayari sa paghalik ng tuhod
sa lupang tigang. Sa pagbulong sa
rebultong nakangiti sayong pagtangis.
Imulat ang matang binulag ng kinagisnang
kahapon. Kung pagmamasdan ang bawat
piraso ng ulap, ikaw ang lumikha
ng kalawakan. At bago ka maging abo,
isumpa mo ang mundo, isumpa mo kaibigan.

No comments:

Post a Comment