Wednesday, August 18, 2010

DIYOS NG CALBAYOG CITY

hindi ko alam
kung bakit
naroroon sila sa
taas.
nakalutang.
ang madalas kong
daanan sa Capo-ocan
ang old-road
ang tulay ng Jasmines
ang parke Nijaga
ang aking tinirahan dati
at ang katabi nitong
paaralan ng mga
bulag.
ang 7th Day Adventist
at ang
Faith Tabernacle.

Nagsasalo sa katiting
na utak
at kaluluwa.
nakalutang.
malayang nagliliwaliw
sa espasyo
ng mundo.
sa isang
iglap lang
nagsibagsakan lahat.
at bigla kong naalala:
ako pala ang diyos
ng Calbayog City.

Wednesday, March 31, 2010

GANITONG WALANG BUWAN

tanaw ko ang
langit habang
nakahiga
sa
damuhan.
sa kabila ng
nagkikislapan
nitong
mga bituin
nararamdaman
kong ang
gabing ito ay
malungkot.


dama ko
ang pagtangis
ng
paligid.
tahimik
tanging mga
dahon lang
na naghahalikan
ang siyang
madidinig.
at ang maamong
ritmo
ng
ilog.


tila
napakalapit
ng langit sa
akin.
bituin.
walang buwan.


naisip ko:
kapag ganitong
walang
buwan.
walang
kasama ang gabi.
talagang
malungkot.


sana
nandito
ka.


ikaw ang magsilbing
buwan.


sa
akin.

at
sa
gabing
ito.


dahil
ang bawat
gabi
ay
malungkot.


lalo't
walang
buwan.


lalo't
wala
ka.

Friday, January 15, 2010

february 15 2008

naaalala parin
kita.
sapagkat
sadya naman talagang
mahirap
kang
kalimutan.
dahil hanggang
ngayon
buhay parin
sa aking isipan
ang
kurba
ng iyong labi
sa
tuwing ngingiti.
kung gaano ka
kaganda
kapag kumurap na
yaong
mga mata.
kung paano
mangatog ang
takbo
ng oras sa
bawat
kumpas ng iyong
kamay,
sa bawat
indayog ng iyong
katawan.


naaalala parin
kita.
dahil iyon
nalang
ang natitirang
paraan
para mabilanggo
ako sa
nakaraang
ako'y
nasa alapaap.
sa umaga
ikaw
ang hanging unang
nalalanghap.
ikaw din
ang
pinakaunang
sikat ng araw.
sa takipsilim
ikaw
itong tila
disyertong
langit.
at sa pagkalat
ng
dilim
ikaw ang siyang
bituin.


naaalala parin
kita.
sa kabila ng
katotohanang
hindi
na kita mahal.
natutunan
ka nang pakawalan
ng puso ko
ng kaluluwa ko
ngunit
hindi
ng aking
isipan.
dahil sa:
madaling magparaya
kayhirap lumimot.


kung ikaw
ang
naninirahan sa
nakaraan.
sadyang
kayhirap lumimot.

napakahirap.

katulad ng
paglimot
sa
hangin.

ikamamatay ko.


at sana lang...
huwag ka nang umalis...
huwag mo na akong
iiwan...


kahit manlang
sa ala-ala.

Thursday, December 24, 2009

SA TAGPONG ITO

alam kong masasaktan ka pag ako'y mamaalam.
hindi dahil sa hindi na kita mahal.
hindi yun. at alam kong alam mong hindi
maaari yun.ilang beses ko nang
nasilayan ang pagtulo ng iyong luha.
ilang beses na din tayong nagtalo.
iyon ay dahil hindi perpekto ang pag-ibig.
alam mo namang minahal ko na din ang lakas
ng iyong sampal at iyong pagmumura sakin.
at di din naman matatawaran ang tamis ng
iyong halik at ang paulit-ulit mong pagsasabi
na mahal mo ako.
at ngayong ako'y mamamaalam, hindi mo alam
kung gaano kasakit.
ihalintulad mo nalang ang bituing sumabog,
nalusaw at nawalan ng kapangyarihang kumindat
sa gabing malungkot. tulad ng bagong gising
na araw, niyakap at nalunod sa hamog ng umaga.



at sa aking paglisan ang bawat makikita'y tila
nagtatago sa likod ng manipis na ulap.
at sa bawat tunog na madidinig ay nakabibinging
katahimikan. dahil wala nang masilayang ikaw,
at sa pagkawala ng iyong tinig ay siyang pagtigil
ng musika sa aking paligid. walang init ang bawat
araw na daraan sa kaluluwang manhid, naninigas
sa lamig ng pag-iisa.



sa parteng ito, gusto ko sanang hawakan mo ang
aking kamay at ipamalas ang ganda ng iyong ngiti.
ipadama sa akin ang init ang iyong palad at iyong
kasiyahan. hanggang sa wala na akong maramdaman,
hanggang di ko na maabutan ang pagtulo ng iyong
luha.




dahil ang pinakamahirap sa tagpong ito...



sa aking pagpanaw...


ay ang iwan ka...

Thursday, November 12, 2009

3:01 HAPON, NAKADAPA

Nakadapa
habang
pinagmamasdan
ang kable
sa sahig.
Pati
mga langgam
na walang
pagod
sa paglalakbay.
Kable
Sahig
Langgam

Salita,
saan ka
nakaimbak?
Kanino?

BILOG NA SILID

Pumasok ako sa bilog na silid
at ang hirap pagpantayin ang
mga paa, tila nasa loob ka ng
isang bola. Nawalan
ng kapangyarihan ang mundo
na ang lahat ng bagay ay mahuhulog
kapag hinagis pataas. Matagal din
akong nagpaikot-ikot, alas 3:01
ng hapon nang ako'y nagpasyang
lumabas. At nagtatakang
hinagkan ang kuwadradong mundo.
Nalilito
Nabibingi
Natutulala


At hinawakan ko ang iyong
kamay na kasing lamig ng yelo.
Pareho tayong nakamasid sa
kalawakan na walang bituin,
at dahan-dahan tayong papasok
sa bilog na silid.

Saturday, November 7, 2009

TAKIPSILIM

Nagkulay apoy na ang kalawakan
at susuko na ang pinakahuling
sinag ng araw. Tahimik ang paligid
na tila sementeryo ng mga buhay.
Ang mga nilalang ay tila sabik
na salubungin ang napipintong
kadiliman. At ako, nandito
nakahimlay. Nagpapasalamat sa
isang araw na humalik sa aking
kamatayan.