Ako’y nakangiti habang nakahiga sa upuang semento. Ang inuupuan ako kapag lumalayas ako sa bahay nung bata pa ako sa tuwing pinapagalitan ako ng aking ina. Ang inuupuan ko sa tuwing aking hihigupin ang marijuanang nakapaloob sa sigarilyong tinanggalan ng tabako.
Ang upuan ng barkada. Ang upuang semento na ang katapat ay batis at bukirin kung saan natutulog ang haring araw.
Ang takipsilim…
Ngunit nabibilang lang sa isang kamay ang mahilig mag aksaya ng oras dito.
Pero eto na siguro ang huling beses na masisilayan ko ang pag lubog ng araw. Huling beses na madidinig ko ang maamong agos ng batis, at nagkakantahang mga ibon.
Ang huling beses na dadapo ang malamig at preskong hangin sa aking katawan. Ang huling beses na mahihimas ng aking balat ang puting sementong nakahimlay. Ang huling beses na sana’y malanghap ko ang usok ng marijuana sa aking kamay.
Ang huli…
Dalawampung taon na ang nakakalipas bago ko ulit nadampian at nakasama ang tahimik at mala-paraisong lugar na ito.
Ang isang tulad kong mahaba ang buhok na halos di nadampian ng shampoo ng ilang buwan, payat ngunit di naman yung tipong matataboy ng galit na hangin, tattoo na kulang na lang ay ang aking mga matang malalalim na parang hindi nakatulog ng ilang araw, ay sa kasamaang palad ay napabilang sa tinatawag nilang mga hangal na adik.
Walang kinagisnang ama at si nanay nalang ang tanging kasama na halos mamatay sa pag-aalala.
Hindi na ako nakatapos ng elementarya dahil sa kahirapan. Bata pa ako ng iwan kami ng tarantado kong ama. At sa lugar kung saan ang mga bahay ay parang tren na magkadikit-dikit at pinagtagpi-tagpi, mga makikipot na eskenita, ay ang lugar na kinalakihan ko na. Nasanay na ako ng gumigising palang ay nag uumpisa nang mag inuman sa tindahan nina aling Nena ang mga hayok sa alak. Nag kalat ang iba’t-ibang uri ng basura sa bawat eskenitang dadaanan.
Tila pabrikang pagawaan ng bata ang lugar na ito, dahil kahit san ka lumingon ay may mga batang madudungis.
Isang araw nagkayayaan ang barkada sa tambayan. Dala ang yosi, droga, at marijuana.
Mga 4:30 ng hapon. Panandaliang tatakasan muna namin ang mala impyernong looban. Malayong malayo ang lugar na ito. Dito sariwa ang hangin.
Tahimik…
Malinis…
At lagi naming dinadamayan ang paglubog ng araw habang lunod ang mga utak sa droga at marijuana.
Naglalaban ang kulay sa langit ngunit nanaig ang kulay ng nagbabagang ulap sa bughaw na langit.
Tila disyertong nagaapoy ang kalangitan.
Paraiso…
Nakapikit ako habang pinapakiramdaman ko ang hagod ng usok ng marijuana sa aking lalamunan at pagsalakay sa utalk ko.
Tila mga taong tinanggalan ng dila.
Walang nag iingay Lumilipad ang mga utak na nasakop ng mahiwagang usok.
Ilang sandali pa ay nadinig naming tumatakbo si Noelo.
“Pare sina Bogart nanggugulo na naman sa looban.” Sabi nya. Humahangos.
Tulad ng dati, sasabak na naman kami sa riot. Takbuhan papunta sa looban. Nagmamadaling nagtakbuhan para maabutan sina Bogart. Kanya-kanyang armas. Hawak ko ang kinakalawang na balisong. Mga sabog, epekto ng droga. Nakangisi habang nagtatakbuhan sa looban. Sa isang iglap ay isang putok ang umalingawngaw.
Tatlong lalakeng palapit samin. Dalawa may baril, isa kutsilyo.
Sa isang putok nayun sapul si Noelo. Tinutok ni Brem ang kanyang 39 na kinakalawang na din.
Pinutok …
Dahilan ng pagbulagta ng isa.
Parang mga pusang binihusan ng tubig ang dalawa. Kanya-kanyang takbuhan.
Nakita ko ang isang may kutsilyo. Lumiko sa isang eskenita.
Hinabol ko.
Nalilito ako sa dami ng taong mga tsismoso at tsismosa.
At epekto na din ng droga.
Umiikot paligid ko.
“Juan sa likod mo.” Sigaw ng isang bata.
Awtomatiko akong yumuko ngunit malas at inabot padin ang aking kanang braso.
Duguan ang damit ko at halos manhid ang aking kanang katawan sa sakit na gawa ng pagkakasaksak.
Ilang saglit pa ay tipong aatake uli sya. Ngunit biglang may umakap sa likod nya. Si Brem.
Di na ko nagaksaya ng oras. Buong lakas kong sinaksak sa tagiliran ang tarantado. Tila may demonyong sumanib sakin.
Di pa ako nakontento.
Hinugot ko ang duguang balisong na nakabaon sa kanyang tagiliran. Sabay baon sa may dakong dibdib, hugot, saksak sa tiyan, hugot, saksak ulit.
Hugot…
Saksak…
Hugot… Saksak…
Di ko mabilang kung ilang ulit nagpabalik-balik ang kinakalawang ko ng balisong sa kanyang sariwang kalamnan.
Napuno ng dugo ang paligid.
Bulagta sa maduming daanan at katawan ng tarantado. Humalo ang preskong dugo nito na nagkalat sa mabahong kanal na barado at sa maduming tubig na naimbak sa butas ng daanan.
Tahimik ang buong paligid.
Tulala ang mga taong iniwan namin ni Juval.
Diretso kami sa bahay nina Juval. Di nagtagal dumating sina Kevin at Jhanhel.
Humahangos.
“Di ko nahabol yung isa.” Sabi ni Kevin.
“Nakapatay ako.” Sabi ko.
Tumahimik bigla.
“Si Noelo nga pala dina umabot.” Sabi ni Jhanhel.
Yun lang ang mga salitang nabitawan namin. Tila may nakabantay sa amin at puputulan ng ulo kung sino man ang magkamaling magsalita.
Tahimik kaming apat. Blangko ang mga utak.
Umuwi na ako samin. Siguro naman ay tulog na si nanay.
“Saan ka galing?” pamilyar na boses ang aking nadinig habang dahan-dahan akong pumapasok.
Di ako umimik. Diretso na ako sa kwarto.
Iniwan kong umiiyak si nanay.
Puta ang sakit ng sugat ko, sabi ko sa isip ko. Kumuha ako ng yosi sabay sindi. Pinatugtog ang cd ng pagkalakas-lakas. Sabay higop ng sigarilyo at buga sa kawalan. Pinagmamasdan ko ang usok nito na tinatamaan ng sinag ng buwan na pangahas na pumasok sa bintana.
Blangko ang aking utak…
Tila tumakas sa aking katauhan ang mga emosyon. Ang tanging pumapasok sa matamlay kong utak ay ang ingay ng musika at ang obrang naguguhit ng usok na nagmumula sa sigarilyo. Hanggang sa di ko namalayan ang pagsuko ng aking mga mata.
Malakas na kalabog ang gumising sakin. Hawak ang balisong tumakbo ako papunta sa sala.
Mga parak.
Biglang tutok ng baril ng isang mataba ang tiyan na halatang umuuga ang tuhod. Ilang segundo lang ang lumipas ay nasa labas na ako at nakaposas.
Ang mga tsismosa naming mga kapitbahay ay parang mga langgam na nakakita ng asukal. Sa aking paglisan ay dinig ko ang pagtangis ng aking ina.
Nahatulan ako ng dalawampung taong pagkakabilanggo. Halos dalawang araw palang ako sa bilangguan ay nabalitaan kong pumanaw na ang aking ina. Pinasok daw sya sa bahay at walang pakundangang pinag sasaksak, hanggang sa malagutan ng hininga. Para akong binuhusan ng malamig na tubig.
Tulala…
Di ko namalayang tumutulo na ang luha ko.
Di ko maipaliwanag ang aking emosyon.
Galit…
Awa…
Taka…
Nabalot ng kalungkutan ang seldang kinalalagyan ko.
Natutunan kong makisama sa kapwa ko preso. Madami din akong nakilala at nagging kaibigan.
Pare-pareho lang ang araw dito sa kulungan.
Minsan nakikipaglaro ako ng chess, basketbol, boxing.
Nalilibang ako. Minsan ay naiisip ko si ermat.
Di ko namalayan ang pagdaan ng mga taon…
Lumipas ang sampung taon…
Ganun pa rin…
Hanggang sa sumapit ang araw ng aking paglaya. Sa loob ng dalawampung taon ay makakalabas na din.
May kasiyahan akong nadarama. Kasiyahan sa aking puso na di ko naramdaman dati.
Diretso na ako sa bahay naming. Parang haunted house. Sira ang pintuan at mga bintana. Walang mga naiwang gamit. Napaiyak ako bigla ng maalala ko ang aking ina.
Dumiretso na ako sa kwarto para ayusin.
Bukas na bukas din ay maghahanap ako ng trabaho. Magsisimula muli.
Bagong buhay…
Tila di ko pwedeng iwanan ang aking bisyo. Ang paglanghap sa usok ng ganja.
Pumunta ako sa bahay nina Joan para makahingi ng pang lutang.
“Uy putang ina Bryan laya ka na pla, tara inuman tayo.” Sabi nya.
“Bukas nalang pare kahit magdamagan pa tayo. Pahingi naman ng yosi dyan.” Sa bi ko sa kanya.
Binigyan nya ako ng isa. Alam na nya ang ibig kong sabihin na yosi. Yung tabakong pinalitan ng ganja sa loob ng sigarilyo. Sisindihan ko na sana ng bigla kong maalala ang tambayan.
Tamang-tama 4:30 na ng hapon. Malapit na mag takipsilim. Sa ganung oras masarap singhutin ang ganja at magpalutang lutang sa paraiso.
Habang nakatayo ako sa upuang semento ay nilanghap ko ang sariwang hangin. Naalala ko mga barkada ko, asan na kaya mga gagong yun? Sa isip ko.
Pinakinggan ko ang batis at sumasayaw na mga dahon.
“WOOOOOHHHHH!!!” napasigaw pa ako sa sobrang saya.
Ang saya-saya ko. Panibagong yugto ng aking buhay.
Kinuha ko na ang sigarilyo at lighter. Sabik na sabik ko na akong makalanghap ng usok ng marijuana.
Ng biglang may umalingawngaw na putok.
Sa isang putok nay un ay siyang dahilan ng paglipad ng mga ibong tahimik na nakadapo at nagpapahinga sa sanga.
Bigla kong naramdaman na tila may mainit na tubig na tumutulo sa aking likuran.
Dama ko ang sakit na tila sinaksakl at iniwan sa loob ang talim. Tumigil sandali ang paligid.
Pagtalikod ko ay nakita ko si Bogart
Ang nakatakas sa dalawang hinabol naming na kapatid ng napatay ko.
Halos dalawampung taon na.
Sinubukan kong tumakbo ngunit di ko maigalaw ang aking mga paa. Tila paralisado.
Humarap ako sa kanya. Kita ko ang puot sa kanyang mga mata. Pag hihiganti.
Dalawang magkasunod na putok ang kanyang pinakawalan na siyang tumama sa tiyan at dakong dibdib.
At naglakad palayo. Tila siguradong mamamatay na talaga ako.
Naramdaman kong tila namamanhid ang aking katawan.
Umiikot ang paligid.
Nawalan ako ng balanse. Umupo ako sa upuan ngunit di kinaya na aking katawan.
Humiga ako.
Tahimik ang buong paligid.
Mumunting tunog lang ng musika ng kalikasan ang tanging tinatanggap ng aking pandinig.
Ang magalang na pag-agos ng tubig sa batis.
Ang naghahalikang mga dahon ng puno sa tuwing dinadaanan ng hangin.
Ang mga ibong wari’y tumatangis.
Ang mga saksi sa pangyayari.
Dinig ko ang pilit na paghinga na may parang kung anong bagay ang sinuksok na siyang dahilan ng pagbara sa aking lalamunan.
Tila susuko na ang aking mga mata. Tila inaantok na ako at gusto ko ng matulog.
Magigising pa kaya ako? Sa isip ko.
Dama ko ang panlalamig ng buo kong katawan. Namamanhid.
Ang dating upuan ay nagsilbing higaan ko.
Ang dating puting kulay nito ay namantsahan na ng sarili kong dugo. Nararamdaman ko na ang pagbigat ng aking mga mata.
At hirap sa paghinga.
Nahulog mula sa aking mga kamay ang sigarilyong nabasa na ng aking dugo.
Di ko na malalanghap ang sarap ng usok nito.
Kaya pinagmasdan ko ang dakong bukirin kung saan humihimlay ang haring araw.
Tahimik…
Payapa ang paligid…
Pinilit kong idilat ang aking mga matang mabibigat na tila may nakabiting bato sa talukap nito.
At pinagmasdan ko ang unti-unting pagkawala ng pinakahuling liwanag ng araw.
At kasabay sa paglubog nito ang siyang pagpikit ng aking mga mata.
Ang takipsilim ng aking buhay.