Wednesday, August 18, 2010

DIYOS NG CALBAYOG CITY

hindi ko alam
kung bakit
naroroon sila sa
taas.
nakalutang.
ang madalas kong
daanan sa Capo-ocan
ang old-road
ang tulay ng Jasmines
ang parke Nijaga
ang aking tinirahan dati
at ang katabi nitong
paaralan ng mga
bulag.
ang 7th Day Adventist
at ang
Faith Tabernacle.

Nagsasalo sa katiting
na utak
at kaluluwa.
nakalutang.
malayang nagliliwaliw
sa espasyo
ng mundo.
sa isang
iglap lang
nagsibagsakan lahat.
at bigla kong naalala:
ako pala ang diyos
ng Calbayog City.

Wednesday, March 31, 2010

GANITONG WALANG BUWAN

tanaw ko ang
langit habang
nakahiga
sa
damuhan.
sa kabila ng
nagkikislapan
nitong
mga bituin
nararamdaman
kong ang
gabing ito ay
malungkot.


dama ko
ang pagtangis
ng
paligid.
tahimik
tanging mga
dahon lang
na naghahalikan
ang siyang
madidinig.
at ang maamong
ritmo
ng
ilog.


tila
napakalapit
ng langit sa
akin.
bituin.
walang buwan.


naisip ko:
kapag ganitong
walang
buwan.
walang
kasama ang gabi.
talagang
malungkot.


sana
nandito
ka.


ikaw ang magsilbing
buwan.


sa
akin.

at
sa
gabing
ito.


dahil
ang bawat
gabi
ay
malungkot.


lalo't
walang
buwan.


lalo't
wala
ka.

Friday, January 15, 2010

february 15 2008

naaalala parin
kita.
sapagkat
sadya naman talagang
mahirap
kang
kalimutan.
dahil hanggang
ngayon
buhay parin
sa aking isipan
ang
kurba
ng iyong labi
sa
tuwing ngingiti.
kung gaano ka
kaganda
kapag kumurap na
yaong
mga mata.
kung paano
mangatog ang
takbo
ng oras sa
bawat
kumpas ng iyong
kamay,
sa bawat
indayog ng iyong
katawan.


naaalala parin
kita.
dahil iyon
nalang
ang natitirang
paraan
para mabilanggo
ako sa
nakaraang
ako'y
nasa alapaap.
sa umaga
ikaw
ang hanging unang
nalalanghap.
ikaw din
ang
pinakaunang
sikat ng araw.
sa takipsilim
ikaw
itong tila
disyertong
langit.
at sa pagkalat
ng
dilim
ikaw ang siyang
bituin.


naaalala parin
kita.
sa kabila ng
katotohanang
hindi
na kita mahal.
natutunan
ka nang pakawalan
ng puso ko
ng kaluluwa ko
ngunit
hindi
ng aking
isipan.
dahil sa:
madaling magparaya
kayhirap lumimot.


kung ikaw
ang
naninirahan sa
nakaraan.
sadyang
kayhirap lumimot.

napakahirap.

katulad ng
paglimot
sa
hangin.

ikamamatay ko.


at sana lang...
huwag ka nang umalis...
huwag mo na akong
iiwan...


kahit manlang
sa ala-ala.