Saturday, October 17, 2009

ISANG GABI

Isang gabi kasama ang natatanging anino,
aninong likha ng buwang nakamasid
at kaniyang liwanag ay sa aki'y umaangkin.
Sa dako roon ay puno ng Narra
siya'y tahimik na nakahimlay at ugat
ay malaya sa lupang binasa ng pagtangis.
At doon lumuha ang Anggat Dam at
sa kaniyang pagpunas ng mata'y napangiti
sa luhang kumikinang na tila
diyamanteng hinagis ng nakakuyom
ang mga palad.
Doon banda sumuka ang Laguna Bay.
Doon naman ay tila isang ilog ng
lupa na umaawit
habang naguunahan sa pagbaba
sa bundok ng Benguet.
At doon ang Pateros ay kumaway.
Doon din ang tulay-na-bato ay lumabas
ang sipon.
Dito naglakad ng mahinhin si Ondoy
dito naman tumakbo
si Pepeng.
At sa taas ay payapang nakapinta
ang buwan
walang bituing nais sumilip at
tingnan ang napakaganda kong mundo.
Sa aking tabi ay sariling kamay.
Ako.
At sila.
Silang di na makakasama sa pakikibaka.
Silang di na makakasimba sa Quiapo.
Silang di na maiinom ang natirang gin.
Silang maralita.
Silang matanda may hawak pang rosaryo,
batang nakantot na
o birhen pa.
Silang matambok ang bulsa dahil sa dami
ng perang papel na basa.
Silang sa kanilang sasakyang makintab
nung nakaraang araw ay kawangis
na ng kanilang dugong sumanib
sa putik.
Silang may ginto't pera
ay kapareho lang pala kung humimlay
sa nagpapataya ng jueteng
at namumulot ng basura sa banda doon.
Silang di na manginginig sa lamig ng hamog
bukas ng umaga.
At bukas paggising ko
ako'y maglalakad palayo at
aalisin ang putik ng isang gabing
ako ay natuwa sa aming kahangalan
kasama ang natatanging anino.

No comments:

Post a Comment