Thursday, April 30, 2009

ISANG PANGAKO


Sa ilalim ng isang malaking puno ay ang isang upuang kahoy. Katapat nito ay isang ilog na payapang umaagos at sa di kalayuan ay bundok kung saan mahimbing na natutulog ang araw tuwing takipsilim. Iba't-ibang uri ng kahoy at ibon ang nakatira sa lugar na ito. Animo'y isang munting paraiso. Iilan lang ang mahilig pumunta dito upang mamalas ang ganda ng lugar. Ang lugar na wari'y isang tulang buhay, ang lugar ng obra at sining.


Ilang oras nalang ang nalalabi at magtatakipsilim na. Kaya sa oras ding yun ay dumiretso siya sa lugar na yun. Ang lugar na malapit sa kanyang puso. Sa kanyang paglalakad papunta sa isang upuang kahoy na madalas niyang upuan ay may nakaupo roon, isang matandang babae. Pakiwari nya ay 60 na ang edad ng matanda. Kaya dumiretso siya doon at umupo sa tabi. Tinitigan nya ang matanda at tumingin din ito sa kanya at ngumiti. Siya naman ay walang pinakitang emosyon.

"Alam mo kung di ka lang ganyan kaputla, kung nasusuklay mo lang ang iyong buhok, at kung natulog ka lang kahapon, siguro kahawig mo siya." sabi ng matandang babae. Tinitigan nya lang ito at tila naguguluhan sa pinagsasabi nito. Magsasalita pa sana ang matanda ng biglang may parang imaheng nabuo sa kanilang harapan na tila isang malaking telebisyon. At meron itong pinapakitang senaryo. Di na nagsalita ang matanda at manghang pinanood ang nangyayari doon.


Lagi niyang nadadaanan ang lugar na iyon ngunit di niya magawang tumigil at magpahinga sapagkat bibihira lang ang taong naroroon. Isang araw habang papauwi na siya ay namataan nya ang isang lalakeng nakaupo sa isang upuang kahoy sa ilalim ng puno, tila malungkot kaya nilapitan niya ito.

"Pwede makiupo?" tanong nya sa lalake. Tinitigan lang siya nito at ngumiti. Umupo sya.

"Bakit ka malungkot?" nag-aalalang tanong niya sa lalake.

"Wala bang karapatan ang isang tao na makadama ng lungkot?" sabi ng lalake.

"Ang bobo mo naman, tinatanong kita kung ano ang dahilan ng iyong kalungkutan, hindi sa tinatanggalan kita ng karapatan para ipakita ang iyong pagkalungkot."

"Ang totoo'y di akoo bobo, matalino ako. Baka ikaw ang bobo." sabi ng lalake sabay titig sa kanya at pilyong ngumiti.

"Bobo? Hindi din. Matalino ako."

"At bakit ka naman naging matalino?"

"Dahil hindi ko hihintayin ang takipsilim para samahan ka dito."

"At kung sa akala mo'y pipigilan kita, nagkakamali ka. Pwede ka ng umalis." sabi ng lalake. Seryosong nakatingin sa ilog ng animo'y may lumulutang na mga diyamanteng kumikinang sa tuwing tinatamaan ng sinag ng araw.

"Sa sinabi mong yan-" tumingin siya sa mga mata ng lalake sabay ngiti. "Dyan ka naging bobo." sabi nya sa lalake. Napangiti na din ang lalake sa sinabi nya.

"Ano pangalan mo?" tanong ng lalake.

"Elaine, pero tinatawag nila akong Matet. Ikaw?"

"Nung bata pa ako, tuwang-tuwa silang tawagin akong Yang. Bryan pangalan ko. Hindi Yang."

"Ah ok. Yang." sabi nya sabay tawa.

Nawala ang kalungkutan ni Bryan ng mga sandaling yun. Naging masaya sila pareho. Marami silang napag-usapan. Sa ilang oras na yun ay nalaman nila ang kaarawan ng isa't-isa, ang paboritong pagkain, libro, pelikula at marami pa. Nakuwento din ni Elaine na magtatapos na siya sa pag-aaral. At si Bryan naman ay tumigil muna pansamantala pero ipagpapatuloy din nya ang pag-aaral. Tawanan, kuwentuhan. Sabay nilang pinagmasdan ang paglubog ng araw.


Umaawit ang mga ibong nagsasayawan sa himpapawid. Ang langit ay tila isang lugar kung saan naglalaban ang mga kulay. At unti-unting natatalo ang asul ng nag-aapoy na kulay. Ang kalangitan ay mistulang disyerto. Maninipis ang mga ulap nitong tila isang bulak na kinulayan ng mahinang pula sa tuwing tinatamaan ng maamong sikat ng araw.

"Napakasaya ng araw na yun." sabi ng matanda sa kanya. Pero wala siyang pinakitang emosyon, tinitigan niya ang matandang babae, masisilayan dito ang napaka amo ng mukha at ngiti sa labi nito.


Araw-araw ay binibisita niya si Bryan pagkatapos ng kaniyang klase. Nagdadala siya ng makakain para may mapagsaluhan. Nagkuwentuhan tungkol sa kani-kanilang pamilya. Ang mga kapatid at ama ni Bryan ay nasa ibang bansa at tanging ang ina nya lang ang kasa-kasama nya dito. Siya naman ay nagkuwento din na solong anak siya. Isang hapon habang nakaupo sila at pinapanood ang nalalapit na paglubog ng araw ay nagtapat na si Bryan.

"Mat." sabi ni Bryan sa kanya habang nakatingin sa malayo.

"Yang."

"Matagal na tayong magkaibigan, di ka ba nagsasawa?"

"Hindi."

"Ako sawa na." tinitigan siya nito.

"Alam mo gusto ko labi mo." sabi nya at dahan-dahan niyang nilapit ang kanyang mga labi sa labi ni Bryan. Hindi nila alam kung gaano katagal naglapat ang kanilang mga labi.


Tila sumasayaw ang mga dahong unti-unting nahuhulog mula sa kinakapitang mga puno, saliw ng musika na tanging kalikasan lang ang nakakatugtog. Dalawang nilalang na parang mga istatwa na tila obrang likha ng kaisipan. Tila bumalik sa pagkabata ang matandang babae habang pinagmamasdan ang senaryo ng kanyang nakaraan. Ang buhay ng tao ay tumatanda, nagwawakas. Tulad ng isang dahon, natutuyo at nawawalan ng lakas sa pagkakakapit sa puno. Ngunit ang laman ng puso at isipan ay hindi maglalaho.


Naging masaya ang mga araw na sila ay magkapiling. Halos siyam na buwan na din silang magkasintahan. Matatag ang kanilang pagmamahalan. Puro. Wagas. Napansin niya na habang tumatagal ay tila lalong nanghihina at lumulungkot si Bryan. Tila nawawalan na ito ng gana sa kanya. Pero nakikita niya sa mga matang yun na mahal na mahal siya nito.

"Magagawa mo bang maghintay kapag umalis ako?" malungkot na tanong ni Bryan.

"Aalis ka?"

"Pupunta kami ni Mama sa Amerika, pinapupunta kami ni Papa dun."

"Maghihintay ako." sabi niya. Pinipigilan ang pagtulo ng luha.

"Pagbalik ko may ibibigay akong tiyak magugustuhan mo." sabi ni Bryan, pinilit niyang ngumiti para mawala ang lungkot na kanilang nadarama. Ngumiti din siya.

"Pwede humingi ng pabor?" tanong ni Bryan. Tumingin ito sa mga mata nya.

"Ano yun?"

"Pwede payakap." sabi ni Bryan. Tumango siya at niyakap niya ito.

"Wag kang malulungkot kapag wala ako, dahil di mo alam kung gaano kasakit ang mamuhay ng wala ka. Pangako babalikan kita. Pangako yan." bulong ni Bryan sa kanya. Hindi siya makapagsalita. Alam ni Bryan na umiiyak ito.

"Mahal na mahal kita." yun ang huling salitang nadinig niya sa mga labi ni Bryan.


"Pero di na siya bumalik. Hinintay ko siya, araw-araw akong pumupunta dito, nagbabakasakaling bumalik pa siya at tuparin ang kanyang pangako." sabi ng matandang babae. Pinipigilang tumulo ang mga luha nitong nagbabadyang mahulog. At nagpatuloy sa pagsasalita.

"Pareho kaming 20 taon noon ng umalis siya. Ngayon ay 62 na ako. Halos 40 taon na din ang nakaraan. Pero eto padin ako. Naghihintay, sinasariwa ang lugar na minsang naging saksi sa aming pagmamahalan. Di ko siya malilimutan. Kahit na kinalimutan na niya ako at ang pangakong babalik siya." sabi ng matanda at pinanood ulit ang senaryo. Ang binatang lalake ay ganun pa din. Parang walang nadinig. Wala pa ding emosyong makikita sa kanya habang pinapanood ang mga pangyayari.


Sa isang Hospital sa Amerika ay naroroon si Bryan at nagpapagaling. Kaya di siya nakapag-aral ay dahil sa palubha ng palubha ang kanyang sakit. Habang nakahiga ay may kung anong bagay siyang hinahawakan sa kanyang kamay. Isang singsing. Paggaling niya ay tutuparin niya ang pangako sa kasintahan at yayayain ng kasal. Napangiti siya. Ngunit sadyang maramot ang kapalaran. Kinuyom nya ang singsing sa kanyang palad at unti-unting pinikit ang kanyang mga mata. Dahan-dahang umagos mula dito ang mga luha. At ang makinang may linyang nagpapakita ng tibok ng puso ay biglang tumuwid, hudyat ng pagwawakas ng kanyang buhay. Ngunit ang pagtigil ng tibok ng kanyang puso ay di nangahuhulugan ng pagwawakas ng kanyang pag-ibig sa sinisinta.


Unti-unting nawawala ang katiting na sikat ng araw na nagbibigay ng malungkot na liwanag sa buong paligid. Malamig ang hangin. Ang ilog ay payapa sa pag-agos. Ang mga ibon ay namamahinga sa sanga at tila nakikiramay sa kanila. Biglang naglaho ang mga imahe, tila salamin na nakalutang at nabasag. Tumayo ang binata at humarap sa nakaupong matandang babae. Hinawakan ang palad nito at binigay ang isang bagay na kanyang pinakaiingatan. Isang singsing. Hinalikan niya ito sa labi.

"Mahal na mahal kita Mat." bulong niya sa matandang babae at naglakad palayo.


At tutuparin ang pangako nito sa kanyang sinisinta...

WAKAS

Tuesday, April 28, 2009

SA ISANG PIRASONG SIGARILYO

Sisindihan, hihigupin upang madama

ang unang usok na sasakop.

Ipipikit ang mata sa sarap ng puting alikabok.

Ibubuga at mamalasin ang usok-

na tila isang obra.

Isang sining.

Maglalakbay, unti-unting maglalaho-

sa paningin.

Ngunit masasariwa ang bangong-

walang kapantay.

Hahawakan ang lapis at mamantsahan

ang malinis na papel.

Maglalakbay ang paningin at isipang tigang.

At sa bawat sayaw ng lapis,

ay lilikha ng isang madilim na mundo.

Mababasa ngunit ang kahulugan ay nakatago,

natatakpan.

At mag-iiwan ng palaisipan.

Itatapon ang abo at huling piraso-

ng sigarilyo,

na naghatid ng masarap ng hagod.

Ililigpit ang lapis-

na nagbigay ng isang likha.

ANG PAMANA NI AMA

Tila binabarena ang ulo ko sa sakit. Maghapon akong nakahiga sa sahig ng aming barong-barong na tahanan. Nakatingin sa bubong na tila tinadtad ng bala at malayang nagsusulputan kung saan-saan ang sinag ng araw. At sa tuwing uulan naman ay may nakaabang na lata ng sardinas na kinakalawang na, para saluhin ang mga tulo. Hawak ang lapis at kapirasong papel ay panakaw akong nagsusulat ng kung ano-ano. Hindi na ako pinag-aral ni Itay, dahil sa hirap ng buhay. Ang tanging pinagkukunan namin ng perang mabibili ng pagkain ay ang padyak na lumang-luma na sapagkat ito'y sa lolo ko pa at pinamana nya sa aking Itay. Kaming dalawa nalang ang natirang nakasilong sa munting bahay na ito, sapagkat iniwan kami ng aking ina noong bata pa ako. Nag-asawa ito ng iba, dahil sa hindi makayanan ang hirap. Ang dalawang kapatid ko namang babae ay may mga pamilya na din, bata pa ng mag-asawa. Di nakatapos sa pag-aaral.

Kung wala lang akong sakit, ako sana ang humahanap ng pera para sa makakain namin ng tatay kong lasenggo. Sigurado nakikipag-inuman na naman yun sa harap ng tindahan nina Aling Nena. Kaso di kinaya ng katawan ko ang init ng araw at lamig ng ulan. Sa may pilahan ng padyak sa may eskwelahan ako madalas pumila. At doon minsan ay sumasagi sa utak ko na gusto kong makapag-aral. Pero ayaw talaga ni Itay. Gusto nya ay magtrabaho ako. Dahil sa ang kinikita ko ay sapat lang sa aming makakain, sa alak niya, at sigarilyo.

"Juan bumangon ka diyan at magluto ka ng makakain." sigaw nya. Lasing na naman. May kaunting bigas pa naman, at asin. Kahit umiikot ang aking paningin dahil sa sakit ng ulo ko ay pinilit kong makatayo at makapagluto ng makakain.

"Bakit hindi ka nagpadyak?" tanong niya.

"Masakit po ulo ko eh."

"Pag minamalas ka nga naman." Sabi nya sabay higa. Nakatulog. Di naman siya ganyan dati. Dati ay nag-aaral pa kami nina ate, at si Itay naman ay namamasada ng padyak. Pero simula ng iwan kami ni inay at nabuntis ng wala sa oras ang dalawa kong kapatid at nakipagtanan ay bigla nalang siyang nagbago. Malas lang at sakin lahat nabaling ang kanyang sama ng loob.

"Itay kain na po." ginising ko na siya.

"Kumain ka na?"

"Di po ako gutom." sabi ko.

Nahiga nalang ako at pinagmasdan ang sinag ng araw na pumapasok sa mga butas ng aming bubong. Tinatanong ko minsan ang sarili ko kung kuntento na ba ako sa ganitong pamumuhay. Sa barong-barong nakatira, at halos wala ng makain. Pera nga talaga ang kailangan sa ngayon. Pera ang nagpapaikot sa mundo.

PERA...

Ang mapera ang makapangyarihan. Pero pera ba ang tunay na kasiyahan? Ano ang batayan sa tagumpay ng isang tao? Sa laki ng bahay? Sa antas ng kaalaman? Sa kapal ng bulsa? Pero para sakin eh kung gaano ka kasaya sa iyong naabot. Para sakin lang naman. Kailangan ang pera para mabuhay. Pero di naman siguro tama ang mabuhay para dito. At di lang naman pera angmakapagbibigay saya sa tao. Meron din naman kahit papaano nakapagpapasaya sa akin dito sa looban. Naron ang tuwing nakikita ko ang sanggol na panay ang tawa ni Aling Marta ay natutuwa ako. Sa tuwing nakikita ko ang mga batang naglalaro sa ulan at sa tuwing nasisilayan ko ang magandang anak ni Mang Tanoy ay napapangiti ako. At sa tuwing may nasusulat akong tula ay may kung anong ligaya sa puso ko. Pero ang nilalaman ng aking tula at mga kuwento ay pawang nakakulong sa isang palasyong walang bintana. Bintanang masisilayan at mamalas ang ganda ng mundo. Pagkat ang aking isipan ay nilamon ng kapaligirang madilim.

Saan ako kukuha ng mga salitang ilalagay sa tula na lilikha sa ganda ng pagbuka ng rosas, sa tahimik ng pagsikat at paglubog ng araw, sa sariwa at preskong hangin, sa mga berdeng dahon? Saan ako kukuha ng ideyang papasok sa aking utak upang maging makulay ang mga likha ko, kung sa tinitirhan ko ay walang makikitang rosas kundi mga baradong kanal, at mga basura. Kung di ko minsang inibig ang pagsikat ng araw dahil ito ang susunog sa aking balat sa tuwing namamasahe ako. Kung wala akong malanghap na sariwa at preskong hangin, kundi ang umaalingasaw na baho ng kubeta nina Ponyo at bundok na basura sa likod ng bahay namin. Pano susulat ng magandang tula kung ang naaabot ng mga mata ko ay ang pangit na kapaligiran.

Di ko namalayang nakatulog na pala ako at ginising ako ni Itay.

"Hoy nagsusulat ka na naman? Anong mangyayari sayo nyan? May lilitaw bang pera dyan pagkatapos?" galit na sabi nya.

"Sa pagpadyak po ba may mararating ako?" tanong ko. Di siya nagsalita.

"Hangang sa kanto lang nina Aling Nena, hanggang sa simbahan, sa palengke, sa bahay-bahay, sa kabilang kalye. Hanggang dun lang naman Itay eh. Dadalhin po ba ako ng mga gulong na yan sa aking pangarap?" tanong ko. Di ko namalayan ang pagtulo ng luha ko. Bigla nalang tumayo si Itay at lumabas ng bahay.

Makalipas ang anim ng buwan....

Naunahan ko sa paggising ang haring araw. Pumunta ako sa likod ng barong-barong namin. Umihi. Mahamog pero kita parin ang bundok ng basura. At sa likod nun ay unti-unting sumisilip ang mumunting sikat ng araw.

"Hoy Juan wag kang kukupad-kupad dyan, bilisan mo na at bombahin mo yung gulong ng padyak." sigaw ni Itay.

Naligo....

Nagbihis...

Nagbomba ng gulong....

"Itay aalis na ako." nagpaalam na ko sabay pedal ng aking padyak patungo sa eskwela... Papasok...

Patungo sa pangarap...

PAG-IBIG

Ang pag-ibig-

ay tinta ng panulat,

na magmamantsa-

sa bakanteng puso.

Na guguhitan-

ng imahe ng sinisinta,

at susulatan -

ng salitang nadarama.

ATEISMO


Tawagin mo na akong hangal,

kung sabihin kong walang DIYOS.

Wag lang ang salitang DEMONYO-

ayon sayong kasulatan.

Walang DIYOS!

Walang DEMONYO!

Buhusan mo man ako ng mahiwagang tubig,

o itapat mo man sakin ang taong nasa krus.

Ang utak ko ay patuloy sa paglipad,

at hininga ko ay di mapapatid.

Ang huwad na akala mo'y katotohanan ay wala,

kundi pinagtagpi-tagping elementong gawa-

at tinahi ng mortal.

Ang gawaing kabutihan para sa kanya,

at para maligtas ang kaluluwa sa nag-aapoy na lawa-

ay kahangalan.

Ito'y isang pakitang tao.

Kung ito'y naaayon sayong pagkatao,

at di labag sayong puso.

Ito ay isang gawain ng tao.

Tawagin mo na akong hangal,

wag lang DEMONYO.

Kung ang paniniwala ko ay labag sayo.

UTAK AT PUSO

Nakakulong, hindi makawala.

Ang aking utak hindi makagala.

Nasaan ang mga salitang-

kanina lang ay nagpapaubaya.

Tila isang bangungot sa umaga,

hindi naman tulog, agaw hininga.

Pipikit at pipiliting lumitaw,

mga salitang lunod, wala sa ibabaw.

Ilang oras nakatingin sa kawalan.

Nag-iisip ng pangungusap na ilalaan.

Upang ang kuwento, tula, ay makalaya-

na sa utak ko ay kulong, gustong kumawala.

Sadyang mahirap kung likha ay pinipilit,

pagkat utak ay dudugo, imahinasyon ay maiipit.

Tulad ngayon, tulang pag-ibig sana ang isusulat-

ngunit tila hirap ang puso, at ito ang bumakat.

Sa pagsulat pala di lang bulong ng utak-

ang pinakikinggan.

Kundi pati sigaw ng puso-

ay dapat maramdaman.

SAYONG PAGLISAN (para kay JOAN BAILLO)

Sayong paglisan ako'y di malulungkot.

Di mahahati ang puso kong minsang inalay.

Sapagkat ikaw ay lalaya, hanggang sa di na maabot.

At sa kinatatayuan, ako'y hihimlay.

Sayong paglisan iwanan ang dungis ng nakaraan.

At sa paglipad magsilbing pakpak dating kasiyahan.

Itong huling tula para sayo, ika'y iduduyan.

Aking panalangin, ala-ala'y pakaingatan.

Sayong paglisan nawa'y maging masaya.

Habang naninirahan sa puso ng iba.

Sayong paglisan tangi kong hiling.

Ako'y gisingin, sayong pagdating.