Tuesday, April 28, 2009

ANG PAMANA NI AMA

Tila binabarena ang ulo ko sa sakit. Maghapon akong nakahiga sa sahig ng aming barong-barong na tahanan. Nakatingin sa bubong na tila tinadtad ng bala at malayang nagsusulputan kung saan-saan ang sinag ng araw. At sa tuwing uulan naman ay may nakaabang na lata ng sardinas na kinakalawang na, para saluhin ang mga tulo. Hawak ang lapis at kapirasong papel ay panakaw akong nagsusulat ng kung ano-ano. Hindi na ako pinag-aral ni Itay, dahil sa hirap ng buhay. Ang tanging pinagkukunan namin ng perang mabibili ng pagkain ay ang padyak na lumang-luma na sapagkat ito'y sa lolo ko pa at pinamana nya sa aking Itay. Kaming dalawa nalang ang natirang nakasilong sa munting bahay na ito, sapagkat iniwan kami ng aking ina noong bata pa ako. Nag-asawa ito ng iba, dahil sa hindi makayanan ang hirap. Ang dalawang kapatid ko namang babae ay may mga pamilya na din, bata pa ng mag-asawa. Di nakatapos sa pag-aaral.

Kung wala lang akong sakit, ako sana ang humahanap ng pera para sa makakain namin ng tatay kong lasenggo. Sigurado nakikipag-inuman na naman yun sa harap ng tindahan nina Aling Nena. Kaso di kinaya ng katawan ko ang init ng araw at lamig ng ulan. Sa may pilahan ng padyak sa may eskwelahan ako madalas pumila. At doon minsan ay sumasagi sa utak ko na gusto kong makapag-aral. Pero ayaw talaga ni Itay. Gusto nya ay magtrabaho ako. Dahil sa ang kinikita ko ay sapat lang sa aming makakain, sa alak niya, at sigarilyo.

"Juan bumangon ka diyan at magluto ka ng makakain." sigaw nya. Lasing na naman. May kaunting bigas pa naman, at asin. Kahit umiikot ang aking paningin dahil sa sakit ng ulo ko ay pinilit kong makatayo at makapagluto ng makakain.

"Bakit hindi ka nagpadyak?" tanong niya.

"Masakit po ulo ko eh."

"Pag minamalas ka nga naman." Sabi nya sabay higa. Nakatulog. Di naman siya ganyan dati. Dati ay nag-aaral pa kami nina ate, at si Itay naman ay namamasada ng padyak. Pero simula ng iwan kami ni inay at nabuntis ng wala sa oras ang dalawa kong kapatid at nakipagtanan ay bigla nalang siyang nagbago. Malas lang at sakin lahat nabaling ang kanyang sama ng loob.

"Itay kain na po." ginising ko na siya.

"Kumain ka na?"

"Di po ako gutom." sabi ko.

Nahiga nalang ako at pinagmasdan ang sinag ng araw na pumapasok sa mga butas ng aming bubong. Tinatanong ko minsan ang sarili ko kung kuntento na ba ako sa ganitong pamumuhay. Sa barong-barong nakatira, at halos wala ng makain. Pera nga talaga ang kailangan sa ngayon. Pera ang nagpapaikot sa mundo.

PERA...

Ang mapera ang makapangyarihan. Pero pera ba ang tunay na kasiyahan? Ano ang batayan sa tagumpay ng isang tao? Sa laki ng bahay? Sa antas ng kaalaman? Sa kapal ng bulsa? Pero para sakin eh kung gaano ka kasaya sa iyong naabot. Para sakin lang naman. Kailangan ang pera para mabuhay. Pero di naman siguro tama ang mabuhay para dito. At di lang naman pera angmakapagbibigay saya sa tao. Meron din naman kahit papaano nakapagpapasaya sa akin dito sa looban. Naron ang tuwing nakikita ko ang sanggol na panay ang tawa ni Aling Marta ay natutuwa ako. Sa tuwing nakikita ko ang mga batang naglalaro sa ulan at sa tuwing nasisilayan ko ang magandang anak ni Mang Tanoy ay napapangiti ako. At sa tuwing may nasusulat akong tula ay may kung anong ligaya sa puso ko. Pero ang nilalaman ng aking tula at mga kuwento ay pawang nakakulong sa isang palasyong walang bintana. Bintanang masisilayan at mamalas ang ganda ng mundo. Pagkat ang aking isipan ay nilamon ng kapaligirang madilim.

Saan ako kukuha ng mga salitang ilalagay sa tula na lilikha sa ganda ng pagbuka ng rosas, sa tahimik ng pagsikat at paglubog ng araw, sa sariwa at preskong hangin, sa mga berdeng dahon? Saan ako kukuha ng ideyang papasok sa aking utak upang maging makulay ang mga likha ko, kung sa tinitirhan ko ay walang makikitang rosas kundi mga baradong kanal, at mga basura. Kung di ko minsang inibig ang pagsikat ng araw dahil ito ang susunog sa aking balat sa tuwing namamasahe ako. Kung wala akong malanghap na sariwa at preskong hangin, kundi ang umaalingasaw na baho ng kubeta nina Ponyo at bundok na basura sa likod ng bahay namin. Pano susulat ng magandang tula kung ang naaabot ng mga mata ko ay ang pangit na kapaligiran.

Di ko namalayang nakatulog na pala ako at ginising ako ni Itay.

"Hoy nagsusulat ka na naman? Anong mangyayari sayo nyan? May lilitaw bang pera dyan pagkatapos?" galit na sabi nya.

"Sa pagpadyak po ba may mararating ako?" tanong ko. Di siya nagsalita.

"Hangang sa kanto lang nina Aling Nena, hanggang sa simbahan, sa palengke, sa bahay-bahay, sa kabilang kalye. Hanggang dun lang naman Itay eh. Dadalhin po ba ako ng mga gulong na yan sa aking pangarap?" tanong ko. Di ko namalayan ang pagtulo ng luha ko. Bigla nalang tumayo si Itay at lumabas ng bahay.

Makalipas ang anim ng buwan....

Naunahan ko sa paggising ang haring araw. Pumunta ako sa likod ng barong-barong namin. Umihi. Mahamog pero kita parin ang bundok ng basura. At sa likod nun ay unti-unting sumisilip ang mumunting sikat ng araw.

"Hoy Juan wag kang kukupad-kupad dyan, bilisan mo na at bombahin mo yung gulong ng padyak." sigaw ni Itay.

Naligo....

Nagbihis...

Nagbomba ng gulong....

"Itay aalis na ako." nagpaalam na ko sabay pedal ng aking padyak patungo sa eskwela... Papasok...

Patungo sa pangarap...

No comments:

Post a Comment